Escolango, mananatiling SBMA administrator
SUBIC BAY FREEPORT ZONE, Philippines – Kinumpirma ng Malacañang ang pagiging officer-in-charge sa Subic Bay Metropolitan Authority Administration ni Atty. Randy Escolango noong Lunes (Nob. 28)
Sa liham ng Office of the President na ipinadala kay SBMA Chairman Martin Diño, ang pagtatalaga ng Malacañang kay Atty. Escolango bilang officer-in-charge ng Office of the Administrator ay nananatiling “in full force habang si Diño ay isa lamang chairman ng Board of Directors ng SBMA.
Ang nasabing liham na nilagdaan ni Senior Deputy Executive Secretary ng Office of the President Menardo I. Guevarra ay bilang tugon sa liham ni Diño noong Nov. 21 na nagsasabing inukupa nito ang posisyon ng SBMA chairman at administrator base sa Republic Act 7227.
“The designation of Atty. Randy B. Escolango as officer-in-charge, Office of the Administrator, SBMA, has not been revoked by the Office of the President and thus remains in full force and effect,” paliwanag ni Guevarra kay Diño.
Nilinaw din ng opisyal na sa ilalim ng Section 13(d) RA 7227, tanging ang Pangulo lamang ng Pilipinas ang hihirang ng administrator ng SBMA at wala ng iba.
Si Diño ay dating barangay chairman sa Quezon City at naging chairman din ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) bago na-appoint ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang SBMA chairman noong Setyembre 23, 2016.
- Latest