Sa anti-drug war: Duterte suportado ni Trump
MANILA, Philippines – Nagkausap na sa telepono sina Pangulong Rodrigo Duterte at United States President elect-Donald Trump kamakalawa ng gabi kung saan kabilang sa kanilang natalakay ay ang kampanya ng gobyerno ng Pilipinas laban sa ilegal na droga.
Ayon kay Duterte, nais ni Trump na magtagumpay siya sa kanyang kampanya laban sa problema ng droga.
“I could sense a good rapport, an animated President-elect Trump. And he was wishing me success in my campaign against the drug problem,” ani Duterte.
Nauunawaan rin umano ni Trump ang paraan ng pagresolba ng gobyerno laban sa droga na ang layunin ang protektahan ang bansa.
“Nauunawaan niya ang ating paraan dito at sinabi niyang walang mali sa pangangalaga sa isang bansa. Nakakapagpalakas ng loob dahil inakala kong nanaiisin niyang makialam sa usapin ng sarili nating bansa,” sabi ng Pangulo.
Idinagdag ni Duterte na kuntento siya sa mga naging sagot ni Trump at nais rin niya itong magtagumpay bilang susunod na presidente ng Amerika.
Sa nasabing pag-uusap, inimbitahan rin ng Pangulo si Trump na dumalo sa ASEAN Summit sa susunod na taon na gagawin sa Pilipinas samantalang inimbitahan naman siya ni Trump na bumisita sa New York at Washington D.C.
- Latest