Inauguration ng Coastal Service Road sa Las Piñas, ikinasiya ni Villar
MANILA, Philippines - Pinangunahan ni Sen. Cynthia Villar noong Huwebes ang pagpapasinaya sa C5 Road South Extension project na dumaraan sa siyudad ng Las Piñas City at Parañaque.
Kumpiyansa si Villar na nagmula sa Las Piñas na malaki ang maitutulong ng proyekto sa mga mananakay na dumadaan sa ruta ng Coastal Road-South Luzon Expressway (SLEX) upang mabawasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Pansamantalang nahinto ang paggawa sa naturang daan, na sinimulan noong 2006, dahil sa usaping “Right of Way” na kinaharap ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga pribadong residente at business establishments na apektado ng pagpapalawak ng kalsada.
Sakop ng 15 kilometer proyekto ang paggawa sa C5 service road, kabilang ang 10 tulay at flyover. Dadaan ito sa mga siyudad ng Las Piñas, Pasay at Parañaque at mga lugar sa MIAA, Kenko, Radar Area, RSG, Areas 5, 6 at 7, Kaingin Road, SM Warehouse AMVEL, SM Sucat at ilang ari-arian sa Las Piñas area.
Ang C5 Road ay network ng mga kalsada at tulay na nagsisilbing beltway sa paligid Maynila. Alternate route rin ito sa mga mananakay na patungo sa Timog na bahagi ng National Capital Region.
“This project has always been envisioned to be a part of government’s solution to the terrible traffic woes of motorists and commuters. With the completion of the project in the Las Pinas–Parañaque area, travel from the Coastal Road to SLEX and vice versa passing through the cities will be faster,” ani Villar.
- Latest