Ex-Cebu mayor kinasuhan sa P2-M cash advances
MANILA, Philippines - Kinasuhan ng tanggapan ng Ombudsman ng graft at malversation si dating Ronda, Cebu Mayor Esteban Sia hinggil sa umano’y pagtanggap nito ng P2 milyong cash advances kahit hindi awtorisado sa ilalim ng Commission on Audit (COA) rules.
Isang count ng graft at isang count ng malversation of public funds ang isinampa ng Ombudsman laban kay Sia dahil sa ginawang cash advances noong 2009.
Kapwa akusado sa kasong ito sina dating Ronda municipal treasurer Esperato Del Socorro at dating municipal accountant Genara Kasayan.
Sa rekord ng Ombudsman, si Sia ay tumanggap ng P2,063,422.72 cash advances noong alkalde pa siya ng bayan ng Ronda kahit hindi siya awtorisado sa ilalim ng COA Circular No. 97-002 dahil ang pondo ay hindi para sa panggastos sa pagbiyahe nito.
Ayon sa Ombudsman, nagawa ang anomalya dahil sa pagkukutsabahan nina Sia, Del Socorro at Kasayan. Sinasabing kahit ilang beses silang inatasan na i-liquidate ang pondo ay hindi nila inaksyunan.
Kinunsinti rin umano nina del Socorro at Kasayan si Sia na gamitin ang naturang pondo para sa sarili nitong interes.
- Latest