Ceasefire tutumbasan kung political prisoners palayain muna! – Joma
MANILA, Philippines - Handa ang makakaliwang grupo na suportahan ang unilateral ceasefire na idineklara ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) sa joint session ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kahapon ng hapon.
Ayon kina Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) founder Jose Maria “Joma” Sison at National Democratic Front (NDF) peace panel chair Luis Jalandoni, handa nilang tugunan o tumbasan ang unilateral ceasefire na nais ng Duterte administration kung palalayain ang mga rebeldeng nakakulong. Nais din ng makakaliwang grupo na makita ang mga kondisyones na ilalatag ng gobyerno para sa tigil-putukan.
Unang iginiit ng NDF na kailangang makalabas muna sa bilangguan ang mga nakapiit na rebelde dahil kober sila ng 1995 Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees na nagbabawal sa pag-aresto at pag-detain sa mga peace consultants.
Sumagot naman ang Duterte administration na makakalabas sa kulungan ang mga rebelde na magpapartisipa sa negosasyon.
Samantala, suportado ng liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang unilateral ceasefire na idineklara ni Pangulong Duterte sa hanay ng CPP-NPA-NDF sa bansa.
“The Commander in Chief has initiated a very bold move and we fully support him in his effort to bring sustainable & lasting peace to our whole country,” pahayag ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla.
Sinabi ni Padilla na malaking hakbangin ang inisyatibo ng commander-in-chief at kaisa nang hangarin ng administrasyon ang militar upang mapanatili ang kapayapaan sa buong bansa. (Ellen Fernando/Joy Cantos)
- Latest