Unilateral ceasefire sa NPA, inutos ni Digong
MANILA, Philippines - Iniutos kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang agarang pagdedeklara ng gobyerno ng “unilateral ceasefire” sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Sinabi ni Pangulong Duterte sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) sa joint session ng Kongreso, ang pagdedeklara ng unilateral ceasefire ng gobyerno sa CPP-NPA-NDF ay upang ipakita ang sensiridad ng gobyerno sa pagkakamit ng kapayapaan sa buong bansa.
Inaasahan naman ni Duterte na magdedeklara din ng ceasefire ang communist movement kasunod ng unilateral ceasefire na idineklara ng gobyerno.
“I am now declaring a unilateral ceasefire with CPP-NPA-NDF effective immediately. I now call on our democratic front to respond,” pahayag pa ni Duterte sa kanyang SONA.
Siniguro din ni Duterte sa mga Muslim brothers sa Mindanao na isusulong din ng kanyang gobyerno ang tunay na kapayapaan sa Bangsamoro.
Aniya, hindi man nakapasa sa nakaraang Kongreso ang Bangsamoro Basic Law (BBL) ay isusulong naman ng gobyerno ang panukala para sa pagsusulong ng peace talks sa Bangsamoro at pagkakaroon ng batas ukol dito.
“To our Muslim brothers, let us end centuries of distrust. We will push for long last peace for our Bangsamoro people,” wika pa ni Pangulong Duterte.
- Latest