300 guro sinuspinde ng PRC
MANILA, Philippines – Pinatawan ng suspension ng Professional Regulations Commission (PRC) ang may 300 guro na hindi marunong magbayad ng kanilang utang na kadalasan ay sinasamahan pa ng panloloko sa kanilang mga inutangan.
Sinabi ni Sheryll Abril ng Pangulo ng Tarlac Public School Teachers Association, Inc. (TPSTAI) na may satellite office sa Quezon City, malaking tulong ang hakbang na ito ng PRC dahil sobrang dami na ng mga guro ang nasasangkot sa malaking pagkakautang pero hindi naman nagbabayad.
Aniya ang 300 guro na nasuspinde ay mula sa 700 guro na kanilang naireklamo sa PRC para sa kaukulang aksyon ng ahensiya.
Sinabi ni Abril, nasira na umano ang magandang imahe ng mga guro dahil hindi nila napapangasiwaan ng tama ang kanilang pera, na sinamahan pa ng pamemeke ng mga dokumento at ATM cards para lamang makautang at pagkatapos ay hindi na magbabayad.
Pinakahuling sinuspinde ng PRC, ay ang dalawang guro sa DepEd Region 4A mula sa Tayuman Elementary School, Binangonan,Rizal at Teresa Elementary School sa Dalig, Teresa, Rizal dahil bukod sa ‘di na nagbayad ng kanilang mga utang ay nagbigay pa ng pekeng ATM cards bilang collateral sa TPSTAI sa pangungutang na paglabag sa Code of Ethics for Professional Teachers na nakapaloob sa Resolution no. 435 series of 1997, Article X Sec. 2 at Article Xl Sec. 1 ng Republic Act no. 7836. Sila ay binawian ng Certificate of Registration at Professional Identification Cards saka binalaan na huwag nang uulit kundi mas mabigat na parusa ang kanilang kakaharapin.
- Latest