Kumpiskadong troso ginawang school desk
MANILA, Philippines - Napakinabangan ng pamahalaan ang mga nakumpiskang mga troso matapos itong gawing mga school desk at i-donate sa mga pampublikong paaralan sa bansa na inaasahang magagamit ng mga mag-aaral ngayong nalalapit na pasukan.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 4A Calabarzon, nagkaloob sila ng may 500 school desk para magamit ng mga public schools sa San Juan, Batangas.
Ang donasyon ay ginawa sa isang simpleng okasyon sa pagitan nina DENR Calabarzon Regional Director Reynulfo A. Juan at San Juan, Batangas Mayor Rodolfo Manalo nang lumagda sa isang “deed of donation” para sa mga silya.
Ayon kay Juan ang mga upuan ay mula sa may 15,000 board feet ng mga kumpiskadong troso ng Provincial and Community Environment and Natural Resources Offices sa Laguna.
“The donation is in line with DENR Secretary Ramon JP Paje’s directive to utilize ‘available confiscated timber without claimants and court cases’ to be manufactured into school desks for distribution to recipient schools as identified by the Department of Education in the municipality,”ayon kay Juan.
Prayoridad umano ng ahensiya ang paggawa ng mga gamit eskuwela sa mga paaralan mula sa mga nakukumpiskang troso sa rehiyon.
Sinabi naman ni Laguna DENR Officer Eleazar Alaira na ang kahoy na ginamit sa paggawa ng mga upuan ay pawang mga quality-processed, milled gamit ang Wood Mizer Mobile Sawmill mula sa Forest Products Research and Development Institute ng Department of Science and Technology (FPRDI-DOST).
- Latest