Mar umaasa pa rin kay Poe
MANILA, Philippines – Umaasa pa rin si Liberal Party (LP) presidential standard bearer at Interior and Local Government Secretary Manuel “Mar” Roxas II sa kanilang tambalan ni Senadora Grace Poe bilang kaniyang running mate kaugnay ng May 2016 national elections.
Ito’y sa gitna na rin ng paghahanap ng LP ng makaka-tandem ni Roxas sa inaantabayang pambansang halalan sa bansa.
“Nanatiling bukas ako, ang Pangulo, ang partido sa posibilidad na ito at kaya naman po di ba ang Pangulo mismo sinabi niya na sinikap niya na manatiling buo ang puwersa para sa pagbabago at maaari ay mangyari pa rin ito,“ ani Roxas nang matanong kung bukas ito sa kanilang tambalan ni Poe.
Kasabay nito, kinumpirma ni Roxas na inihain na niya sa Pangulo ang kaniyang courtesy resignation.
“Monday afternoon (Agosto 3) isu-submit ko na. Kung ano ang tama at palagay ko gagawin ko. Bahala na sila (kritiko) kung ano ang naiisip nila. Kung ano man yung kanilang mga assumption, mga intriga at kung ano pang mga pananaw kanila na yun “, pahayag pa ni Roxas.
Si Poe na nangunguna sa mga presidential at vice presidential surveys ang isa sa mga nais ni Roxas na maging running mate sa 2016 national polls. Binigyang diin ng Kalihim na ang nais niyang maging running mate ay yaong naniniwala at ipaglalaban ang prinsipyo ng daang matuwid. Nang matanong naman kung patuloy ang negosasyon ng LP para makumbinse si Poe na maging running mate ni Roxas ay sinabi nitong umaasa siya sa positibo nitong resulta.
Nagpaalam na rin kahapon si Roxas sa mga opisyal at tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Department of Interior and Local Government (DILG). Sa flag raising ceremony kahapon sa Camp Crame sa Quezon City, sinabi ni Roxas na magkahalong emosyon ng lungkot, karangalan at saya ang kaniyang nararamdaman pero kailangan na niyang magpaalam sa PNP na nasa ilalim ng DILG na kaniyang pinamumunuan.
- Latest