Walang padulas o pabaon sa Kongreso para sa BBL – Malacañang
MANILA, Philippines – Tiniyak ng Malacañang ngayong Biyernes na walang karagdagang pondo ang ibinibigay sa mga mambabatas upang masigurong maipapasa ang kontrobersyal na Bangsamoro Basic Law (BBL).
Pinabulaanan ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na bubuhayin ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) at gagawing reward sa mga susuportang mambabatas sa BBL.
"Baka sabihin gagamit kami ng PDAF. Wala na hong PDAF," wika ni Valte.
Aniya hindi rin gagamit ang administrasyong Aquino ng “pabaon” system.
Ang BBL ang produkto ng usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Nalagay sa alanganin ang pagpasa ng BBL sa Kongreso kasunod ng pagkasawi ng 44 miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao nang makaengkwentro nila ang MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Ayon sa mga ulat, nais ni Pangulong Benigno Aquino III na maipasa ang BBL bago ang kanyang huling State of the Nation Address sa Hulyo.
- Latest