E-Power ni Aquino aprub sa Senado
MANILA, Philippines – Inaprubahan na kahapon sa Senado ang resolusyon na naglalayong mabigyan ng special powers si Pangulong Benigno Aquino III upang matugunan ang inaasahang kakulangan ng suplay ng kuryente ngayong summer.
Labing anim na senador ang bomoto ng pabor sa resolusyon at walang tumutol o nag abstain na nauna ng naipasa sa House of Representatives.
Ang panukala ay nakapaloob sa Senate Joint Resolution 12 na isinulong nina Senate President Franklin Drilon at Senator Serge Osmeña III, chairman ng Senate Committee on Energy.
Matatandaan na hiniling ni Pangulong Aquino noong Setyembre 1, 2014 sa dalawang kapulungan ng Kongreso na pagkalooban siya ng special powers na gagamitin sa pagtugon sa inaasahang kakulangan sa suplay ng kuryente partikular sa Luzon.
“Whereas, on September 12, 2014, His Excellency President Benigno Aquino III requested the House of Representatives and the Senate for authority to establish additional generating capacity citing that the Department of Energy (DOE) projects a critical electricity situation in the summer of 2015 in Luzon,” nakasaad sa resolusyon.
Kabilang sa itinuturong dahilan sa kakulangan ng kuryente ang kabiguan ng makapagtayo ng mga bagong planta mula 2010 hanggang 2014 upang matugunan ang ‘historical annual growth’ na umaabot sa four percent at kabilang sa mga solusyong naisip ng gobyerno ang paggamit ng mga existing generating sets ng private sector.
Nauna rito, inaprubahan noong Disyembre 2014 ng House of Representatives ang House Joint Resolution No. 21. Inaasahang magme-meeting ang bicameral conference committee upang magpagtugma ang dalawang bersiyon ng resolusyon.
- Latest