Mercado nagsinungaling, testimonya pinabubura
MANILA, Philippines - Inakusahang sinungaling ng abogadong si JV Bautista ang star witness ng Senate Blue ribbon sub-committee na si dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado matapos ipakita ni Bautista ang mga dokumentong nagpapatunay na na-ospital nga si Mercado nitong Oktubre.
Matatandaang hinamon ni Mercado ang kampo ni Vice President Jejomar Binay noong Oktubre 22 na magpalabas ng ebidensiya na magpapatunay na nagpunta ito sa ospital upang magpagamot.
“Ngayon kung may maipakita po si Vice-President na katibayang ako’y naospital sa alin mang clinic o ospital sa buong Pilipinas pwede ho akong pumayag na burahin na ang lahat ng aking ginawang pahayag dito dahil ang ibig po nung sabihin ako ay sinungaling,” pahayag ni Mercado sa pagdinig ng sub-committee noong Oktubre 22.
Kahapon, ipinakita ni Atty. Bautista ang medical records ni Mercado sa University of the East-Ramon Magsaysay (UERM) Hospital noong Oktubre 1 at 4 na ginamot dito ang isang 61-anyos na pasyenteng may pangalang Ernesto Mercado dahil sa karamdaman sa puso.
Dahil dito, hinamon ni Bautista si Mercado na tuparin nito ang kanyang sinabi na ipapatanggal niya ang kanyang mga testimonya sakaling mapatunayang nagsinungaling siya na hindi siya naospital.
Isisiwalat sana ni Bautista sa harap ng komite ang nasabing ebidensya ngunit pinigilan siya nina Senador Alan Peter Cayetano, Kiko Pimentel at Antonio Trillanes IV.
Una rito, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan nina Bautista at Navotas Rep. Toby Tiangco kontra naman kay Cayetano.
Nais sanang magsalita ng dalawa, pero hinarang ito ni Cayetano dahil hindi naman daw sila kumbidado.
Agad na hiniling ni Cayetano sa Office of the Senate Sergeant at Arms (OSAA) na palabasin ang dalawa na pawang kaalyado ni VP Binay.
“Ayaw nilang humarap kami sa komite at ilantad ang katotohanan hinggil sa pagkatao ng kanilang mga testigo. One-sided na ho talaga ang nangyayari sa sub-committee hearing,” sabi ni Bautista sa isang pulong-balitaan makaraang palabasin sila ng mga senador sa pinagdarausan ng pagdinig.
Ipinaliwanag ni Bautista na wala silang intensyong guluhin ang pagdinig. Nais lang nilang ipahayag ang panig ni Binay.
Sa halip, iginiit ni Cayetano na hindi nila pinapayagan sa kanilang pagdinig ang mga gatecrasher at hiniling niya sa tagapangulo ng komite na si Sen. Koko Pimentel na palabasin sina Tiangco at Bautista.
“Makaisang panig ang pagdinig na ito. Nagpapakita ng malice at bad faith ang tatlong senador. Sadya nilang ipuwera kami. Bakit? Dahil batid nilang magsasabi kami ng katotohanan,” diin ni Bautista.
Ayon pa sa UNA, nagsinungaling si Mercado nang sabihin niyang 359 ektarya ang farm sa Rosario, Batangas pero 145 ektarya lang pala ito ayon sa Sunchamp Real Estate Development Corporation. Nagsinungaling din siya nang banggitin niya na air-conditioned ang babuyan.
- Latest