Enrile suspendido na – Drilon
MANILA, Philippines - Ipinatupad na ng Senado ang 90-araw na preventive suspension ni Sen. Juan Ponce Enrile alinsunod sa naging kautusan ng Sandiganbayan sa kinakaharap nitong plunder case kaugnay ng pork barrel fund scam.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, wala siyang magagawa kung hindi ipatupad ang suspensiyon matapos ibasura ng Sandiganbayan ang motion for reconsideration na inihain ng kampo ni Enrile.
Idinagdag ni Drilon na tatagal ng 90 araw ang suspensiyon at naaayon ito sa naunang desisyon ng Supreme Court kaugnay sa kahalintulad ng suspensiyon ng isang miyembro ng lehislatura.
“The suspension will be effective today, and the suspension will be automatically lifted after 90 days. This is the order of the Sandiganbayan and we have no recourse but to implement it, consistent with the decision of the Supreme Court in the case involving a member of the legislature,” ani Drilon.
Ipinaliwanag ni Drilon na hindi maaring maghain ng panukalang batas o resolusyon si Enrile sa loob ng 90 araw habang ipinatutupad ang preventive suspensiyon.
Naunang ipinalabas ng Sandiganbayan ang suspensiyon ni Enrile noong Hulyo 25 pero hindi kaagad ito naipatupad ng Senado dahil naghain ng motion for reconsideration ang mga abogado ng senador.
- Latest