PNoy: Pakikiaalam ng Korte Suprema sobra na
MANILA, Philippines – Muling tumirada si Pangulong Benigno Aquino III laban sa Korte Suprema ngayong Huwebes.
"Mukhang sumobra naman yata dun sa... lahat pinapakialaman... nagiging mahirap lalo patakbuhin ang gobyerno... 'yung judicial reach mukhang dapat i-review, lagyan ng hangganan," ani Aquino sa eksklusibong panayam niya sa Bombo Radyo.
Idinagdag pa ng Pangulong Aquino na tila masyadong hinahanapan ng butas ng Korte Suprema ang ehekutibo kaya naman iminungkahi niyang dapat amyendahan ang Saligang Batas upang limitahan ang kapangyarihan ng hudikatura.
Kaugnay na balita: PNoy sa anti-dynasty law: 'Kawawa kami'
Muling tinalakay ni Aquino ang "unanimous decision" ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang ilang bahagi ng Disbursement Acceleration Program (DAP).
Nakasaad sa desisyon ng mataas na hukuman na kailangang managot sa batas ang mga nasa likod ng DAP kung hindi mapatutunayang inosente ang mga ito.
Sinabi ni Aquino na tila hinatulan agad silang guilty ng korte.
"Sa Bill of Rights, presumed innocent until proven guilty. Dito binago: guilty until proven innocent... Parang napalitan yata 'yung Saligang Batas dito," banggit ng Pangulo.
- Latest