Seguridad sa Undas ikinakasa na ng PNP
MANILA, Philippines - Ikinakasa na ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang ipatutupad na seguridad kaugnay ng paggunita sa Undas sa Nobyembre 1.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt.Generoso Cerbo Jr., nais ng PNP na matiyak na magiging maayos at mapayapa ang paggunita sa tradisyunal na Undas kung saan inaasahang bubuhos na naman ang milyun-milyong mga katao sa mga sementeryo.
Partikular na mahigpit na babantayan ay ang mga naglalakihang sementeryo sa Metro Manila na kinabibilangan ng Loyola Memorial Park sa Marikina City, North Cemetery sa Maynila, Manila Memorial Park sa Sucat, Parañaque City, Manila South Cemetery at iba pa.
Sinabi ni Cerbo, mas pinaigting nila ang police visibility sa mga sementeryo upang matiyak ang kaligtasan ng mga magtutungo ritong mga mamamayan.
Inihayag din ni Cerbo na magkakaroon din ng “contingency force” para sa mga pasaherong uuwi ng probinsiya sa panahon ng Undas.
Muli ring pinaalalahanan ni Cerbo ang publiko na iwasan ang pagdadala ng mga patalim, nakalalasing na inumin, baraha at paglalaro ng saranggola sa loob ng mga sementeryo.
Nagbabala rin si Cerbo sa mga residente sa Metro Manila na magsisiuwi sa kani-kanilang mga probinsiya laban sa mga masasamang loob tulad ng mga Akyat Bahay gang na posibleng magsamantala sa nasabing okasyon.
- Latest