PSN Bansa ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

3 opisyal ng DPWH kasuhan ! - GMA

Iniutos kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pagsasampa ng kaso laban sa tatlong matataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umanoy sangkot sa P 139 milyong anomalya sa pagpapakumpuni ng sasakyan ng pamahalaan.


Tinukoy ng Pangulo na kasuhan sina Emily Tanquintic, Director 3 for Controllership and Finance Management; Bert Paborito,Director 3 for Administrative and Manpower Management at Floreindo Arias, Assistant Director ng Bureau of Equipment.


Sa inisyal na resulta ng imbestigasyon, ang mga nasabing opisyal ay sangkot umano sa sobrang pagpapatong sa presyo ng piyesa ng mga ipinakukumpuning sasakyan na umabot sa nabanggit na halaga.


Iniutos din ng Pangulo kay DPWH Secretary Simeon Datumanong na suspendihin ng 90 araw ang dalawa nitong Undersecretary na sina Edmund Mir at Mabini Pablo dahil sa hindi pag-aksiyon sa nasabing anomalya.


Ang pagsasampa ng kaso ay kasunod ng pagsisiyasat na ginawa ng DPWH sa anomalya sa pagpapakumpuni ng mga behikulo na inabuso ng mga tiwaling opisyal.


Sa ilalim ng sistema, ang mga opisyal at kawani ay pinahihintulutang makakuha ng cash advance na ibabayad sa repair shop para sa ipapakumpuning sasakyan.


Subalit ginawang gatasan ang sistemang ito ng ilang opisyal at kawani na agad kumukuha ng cash advance kahit wala pang ipinakukumpuning sasakyan. (Ulat nina Lilia Tolentino, Ely Saludar )

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: