^

Bansa

Tatad kumalas sa LAMP

-
Kumalas kahapon si Senate majority leader Sen. Francisco Tatad sa makaadministrasyong Lapian ng Masang Pilipino bago siya nanumpa bilang isa sa 22 senador na tatayong hurado sa paglilitis sa kasong impeachment laban kay Pangulong Joseph Estrada.

Ginawa ni Tatad ang hakbang dahil sa akusasyong kabilang siya sa walong senador na mag-aabsuwelto kay Estrada.

Sa pagdedeklara ng kanyang pagiging indipendiyente, sinabi ni Tatad sa isang pulong-balitaan na nais niyang ipakita na wala siyang papanigang anumang partido o grupo at bukas ang kanyang mata sa pag-upo bilang hurado.

Mas magagampanan anya niya ang kanyang tungkulin nang walang pag-aalinlangan sa pagkalas niya sa LAMP.

Nauna rito, tinuligsa ng maraming sektor si Sen. Miriam Defensor-Santiago dahil sa pahayag nito noong nakaraang linggo na tiyak na mapapawalang-sala ang Pangulo dahil walong senador ang sumusuporta rito.

"Kung mapapatunayan ng mga taga-usig na nagkasala ang Pangulo, boboto ako na masentensyahan siya. Pero kung hindi, boboto ako na maabsuwelto siya," sabi ni Tatad na nagbigay ng katiyakan sa mamamayan na hindi siya magbibigay ng hatol nang walang basehan.

Dahil sa pagkalas ni Tatad sa LAMP, pitong miyembro na lang ng Senado ang kaalyado ng Pangulo.

Alinsunod sa batas, kailangang makumbinsi ng 11 taga-usig mula sa House of Representatives ang kahit 16 na senador na nagkasala si Estrada ng bribery, corruption, betrayal of public trust at paglabag sa Konstitusyon.

Kahapon, pormal na sinimulan ang impeachment proceeding bagaman sa Disyembre 7 sisimulan ang pormal na paglilitis. Nanumpa na si Supreme Court Chief Justice Hilario Davide Jr. bilang presiding officer at ang 21 senador bilang juror. Wala si Senador Robert Barbers dahil kasalukuyan siyang nasa Estados Unidos.

Pagkatapos ng seremonya, ipinadala na ng impeachment body ang summon para sa Pangulo.

Bumubuo naman sa panel ng mga prosecutor ang mga kongresistang sina House minority leader Feliciano Belmonte, Sergio Apostol, Salacnib Baterina, Raul Gonzales, Joker Arroyo, Oscar Rodriguez, Oscar Moreno, Wigberto Tañada, Antonio Machura, Roan Libarios at Clarivel Martinez.

Tiniyak naman ng mga abogado ng Pangulo na sina Andres Narvasa, Raul Daza at Estelito Mendoza na hindi na nila tatapusin ang palugit na 10 araw sa pagsagot sa summon. Agad nilang ipapadala ang kanilang komentaryo para masimulan agad ang paglilitis.

Ayon naman kay Philippine Constitutional Association President Camilo Sabio, ang Supreme Court lang ang maaaring magtalaga kung gagamiting batayan sa botohan sa impeachment ang orihinal na 24 na bilang ng mga senador o ang kasalukuyang bilang ng mga miyembro ng mataas na kapulungan na 21. Kinulang ng dalawa ang Senado dahil sa pagkakahalal kay Gloria Macapagal-Arroyo bilang vice president ng bansa noong 1998 at sa pagkamatay ni Sen. Marcelo Fernan.

Sa panayam ng dzRH, sinabi ng Pangulo na wala siyang masyadong paghahanda sa pagharap sa paglilitis dahil iyong katotohanan lang ang kanyang sasabihin. "ang sabi ng mga abogado, wala namang basihan itong mga akusasyon na puro hearsay at clippings sa mga diyaryo at talaga namang walang ebidensya na maibibigay laban dito," sabi ng Pangulo.

Idinagdag niya na susunod siya sa anumang magiging resulta ng paglilitis pero nagbabala siya na, kapag napawalang-sala siya, hindi na siya ganap na magbibigay-daan sa mga kilos-protesta.

Samantala, sinabi ng pinuno ng prosecution panel na si Belmonte na nais din nilang mapabilis ang paglilitis sa impeachment. Pinabulaanan niya ang mga tsismis na pababagalin nila ito para hintayin ang pagbabago ng Senado sa darating na halalan sa 2001. (Ulat nina Doris Franche, Grace Amargo, Lilia Tolentino at Efren Danao)

vuukle comment

ANDRES NARVASA

ANTONIO MACHURA

BILANG

CLARIVEL MARTINEZ

DAHIL

PANGULO

SENADO

SIYA

TATAD

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with