MRT-3, nagpatupad ng provisional service dahil sa signaling problem
MANILA, Philippines – Nagpatupad ng provisional service ang pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT-3) kahapon ng hapon bunsod nang panibagong aberyang dinanas ng naturang linya ng tren.
Batay sa service status report ng MRT-3, nabatid na dakong alas-2:06 ng hapon nang magpatupad sila ng provisional service mula Shaw Boulevard Station hanggang Taft Avenue Station lamang.
Nag-ugat ito matapos ang pagkakaroon ng signaling problem sa southbound lane ng North Avenue Station-Santolan Anapolis, dakong ala-1:54 ng hapon, na nagdulot ng service interruption, kaya’t napilitan silang magpababa ng mga pasahero.
Hindi kaagad naayos ang problema kaya’t kinailangang paikliin ng MRT-3 ang biyahe ng kanilang mga tren mula Shaw Boulevard hanggang Taft Avenue lamang.
Dakong alas-3:52 ng hapon nang maibalik sa normal ang operasyon ng MRT-3 matapos na maayos ang problema sa signaling system.
- Latest