MOA nilagdaan na! LRT, MRT common station, sisimulan na ngayong 2017
MANILA, Philippines - Nilagdaan na kahapon ang kontrata para sa konstruksiyon ng common railway station ng Metro Rail Transit (MRT-3) Light Rail Transit (LRT-1) at Metro Rail Transit 7.
Pinangunahan ng Department of Transportation (DOTr) ang paglalagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagtatayo ng common railway station ng MRT-3, LRT-1 at MRT-7.
Kabilang sa mga lumagda sa MOA ang Department of Public Works and Highways, SM Prime Holdings Inc., Universal LRT Corp. Ltd. ng San Miguel Corp., Light Rail Manila Corp., North Triangle Depot Commercial Corp., at Light Rail Transit Authority (LRTA).
Ayon sa DOTr Sec. Arthur Tugade, sisimulang isagawa sa Disyembre ang konstruksiyon ng common station sa pagitan ng SM North EDSA at Trinoma sa Quezon City, para pagdugtungin ang MRT-3, LRT-1 at ang MRT-7, na itinatayo pa lamang.
Target ng DOTr na matapos ang 13,700-square meter station, na nagkakahalaga ng P2.8 bilyon hanggang sa Abril 2019.
Sinabi ni Tugade, magbibigay ng kombinyenteng biyahe sa mga pasahero ng mga nabanggit na railways sa oras na ito ay matapos. Mer Layson at Lordeth Bonilla
- Latest