Firecrackers ban hindi muna - Duterte
MANILA, Philippines – Bago tumulak patungong Tokyo, Japan si Pangulong Rodrigo Duterte ay inihayag nito na wala munang ipapatupad na nationwide firecrackers ban.
Bandang alas-12:00 ng tanghali ay umalis ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 2 si Pangulong Duterte lulan ng Philippine Airlines flight PR 001 patungong Tokyo.
Anya, kailangan munang makonsulta ang lahat ng stakeholders bago magpatupad ang gobyerno ng nationwide firecracker ban.
Nais sana ni Duterte na ipatupad ang nationwide firecracker ban para na rin sa kapakanan at kaligtasan ng mamamayan dahil sa masamang dulot ng paputok.
Magugunita na nagpatupad si Duterte ng firecracker ban sa buong Davao City noong alkalde pa ito ng lungsod at plano rin niyang ipatupad ito sa buong bansa ng maupo bilang chief executive pero dapat munang konsultahin ang lahat ng apektadong sector.
Kamakailan ay sumabog ang mga nakaimbak na paputok sa isang tindahan sa Bocaue, Bulacan kung saan ay 2 katao ang nasawi habang 24 katao pa ang nasugatan noong October 13.
- Latest