4 ginto sa PSL tankers sa Thailand meet
MANILA, Philippines - Humakot agad ang Philippine Swimming League (PSL) ng apat na ginto, limang pilak at isang tanso sa pagsisimula ng 2017 Thanyapura Swimming Championship na ginaganap sa Thanyapura swimming pool sa Phuket, Thailand.
Pinangunahan ni veteran international campaigner Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque ang kampanya ng Pilipinas nang kubrahin nito ang unang gintong medalya sa girls’ 9-10 100m butterfly.
Inirehistro ng two-time Philippine Sportswriters Association Tony Siddayao awardee na si Mojdeh ang 1:11.13 upang gapiin sina silver medalist Sherya Kamal ng Thailand at bronze winner Lee Sze Ng ng Singapore.
Nagparamdam din ng lakas si Lee Grant Cabral ng Diliman Preparatory School matapos kumana ng dalawang ginto sa boys’ 9-10 category habang sumisid ng isang ginto ang isa pang DPS standout na si Albert Sermonia sa boys’ 11-12 division.
Pinagharian ni Cabral ang 100m butterfly sa bilis na 1:18.22 kasunod ang pamamayagpag sa 200m freestyle sa bendisyon naman ng 2:41.56 samantalang nanguna si Sermonia sa 100m butterfly bunsod ng 1:15.71 na nakuha nito.
- Latest