^

PSN Opinyon

Korean Mafia na naman?

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

Mukhang hindi na natuwa ang embahada ng Korea sa mga pahayag ni DOJ Sec. Vitaliano Aguirre na ilang tauhan ng kanilang embahada ay nakompromiso na ng tinatawag na “Korean Mafia”. Hindi rin daw totoo na dalawang beses nang dinukot si Jee Ick-joo, at hindi rin sila ang nakiusap kay Aguirre na ihinto na ang imbestigasyon sa tinatawag na “Korean Mafia”. Sa katunayan, si Aguirre pa raw ang nangako na hindi na iimbestigahan ng DOJ ang sinasabing mafia sa embahada ng Korea. Kung may ebidensiya raw siya, ipakita at aaksyunan nila agad.

May impormasyon daw si Aguirre na natanggap mula sa dating opisyal ng NBI na ganito nga ang sitwasyon sa loob ng embahada ng Korea. Kasalukuyang may imbestigasyon ang NBI at PNP sa kaso ni Jee, na tila hindi magkatugma sa mga gustong kasuhan. Ang listahan ng PNP ay isinama ang ilang tauhan ng NBI, habang ang listahan naman ng NBI ay walang kasamang tauhan nila. Ito ba ang dahilan ng mga ganitong impormasyon ngayon? Akala ko nga ay nagkasundo na ang NBI at PNP na walag sangkot na “Korean Mafia” sa kaso ni Jee. 

Mali at walang batayan ang impormasyon na natanggap umano ni Sec. Aguirre, ayon sa embahada ng Korea, na nakakasira lang ng kanilang dangal at reputasyon, pati na rin ni Jee Ick-joo. Hindi lang ito ang pahayag ni Aguirre sa mga nakaraang araw. Siya rin ang nagpahayag na binabayaran umano ng P100 milyon ang mga tumestigong bilanggo laban kay Sen. Leila de Lima para baliktarin ang kanilang mga testimonya, at dinawit pa ang ilang miyembro ng Liberal Party. Hinamon siya kaagad na ipakita ang ebidensiya ng sinasabing suhol. Sa speaker phone pa daw inalok sa mga bilanggo ang suhol. Ibig sabihin ba ay may speaker phone ang mga bilanggo na pwedeng gamitin? Akala ko ba wala silang VIP treatment, bakit may telepono, at bakit pinayagan ang ganyang tawag, kung naganap nga?

Ano naman kaya ang magiging sagot ni Aguirre sa mga pahayag ng Korean embassy? Sila ang mali at may kredibilidad ang nagbigay sa kanya ng impormasyon? Bakit ba gustong idawit ang sinasabing “Korean Mafia”, na wala naman daw ayon sa PNP at NBI? Para malihis ang bintang sa mga akusadong pulis at NBI agents? Nangangamba na nga si Sen. Ping Lacson na baka mabasura ang kaso laban sa mga akusado sa krimen, dahil hindi nagtutugma ang imbestigasyon ng NBI at PNP. Hiling ng biyuda ni Jee, bumitiw na ang NBI sa imbestigasyon, para mapabilis. Mukhang alam na niya ang kalakaran sa bansa.

vuukle comment

VITALIANO AGUIRRE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with