Accomplishments ng PCO sa 2016
MANILA, Philippines - Ipinagmalaki ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar ang mga nagawa ng kanyang tanggapan sa taong 2016.
Sinabi ni Sec. Andanar, nangunguna dito ay ang Executive Order no. 2 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa Freedom of Information (FOI) sa harap ng executive branch at ang Administrative Order no. 1 o pagbuo ni Pangulong Duterte ng Task Force on Media Security.
Wika pa ni Andanar, pinalakas din ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang bilateral relations nito sa mga bansang China, Japan, Cambodia, Singapore, Malaysia at Vietnam kung saan ay magkakaroon ng scholarships ang PCOO people upang matuto ng modernong pamamaraan ng news broadcasting at management mula sa partner countries.
Idinagdag pa ng PCO chief, inaprubahan na din ni Pangulong Duterte ang pagbuo ng People’s Broadcasting Corporation kung saan ay pag-iisahin na ang operasyon ng Radyo ng Bayan at PTV 4. Ang panukalang batas ukol dito ay nasa Kamara at Senado na.
Aniya, aprubado na din kay Pangulong Duterte ang pagtatayo ng Mindanao Broadcast Hub kung saan ay sisimulan na ang konstruksyon nito sa susunod na taon.
Winika pa ni Andanar, inaprubahan na din ng National Telecommunications Commission (NTC) ang paggamit ng Bureau of Broadcast Service (BBS) sa 87.5 FM nationwide upang magamit ng gobyerno bilang FM service.
Nagkaroon din ng partnership ang PCOO sa Facebook para sa FB live ng lahat ng mahahalagang presidential activities habang nailunsad din ng tanggapan ni Andanar ang Mula sa Masa Para sa Masa tabloid at ang pagiging isa na lamang ng Presidential Communications Group mula sa PCOO, PCDSPO at office of the Presidential Spokesperson upang mas malakas na “PCOO”.
- Latest