Camsur mayor tinanggal sa puwesto ng Ombudsman
MANILA, Philippines - Tinanggal sa puwesto ng Office of the Ombudsman si Baao, Camarines Sur Mayor Melquiades Gaite na napatunayang guilty sa grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Batay sa record noong May 2014, si Gaite ay nagkaroon ng 25-year lease contract sa Lamvert Consolidated Complex Development Corporation para sa bahagi ng Baao Public Market building na may lawak na 1,704 square meters.
Hindi napatunayan ni Gaite ang mga ebidensiya na ang lease deal ay naaprubahan at na otorisahan ng Sangguniang Panlalawigan.
Bigo rin umano si Gaite na maipatupad ang probisyon ng “goodwill money” para sa lease deal.
Sa ilalim ng contractual provision, ang “goodwill money” ay P25,000.00 para sa unang 10 square meters at P1,000.00 para sa succeeding square meter ng rented space, o P1,719,000.00 ang dapat na bayaran ng applicant-lessee.
Sa kabuuang nabanggit na halaga, ang 70 percent nito ay ilalagay bilang trust fund para gastusin lamang sa development ng palengke at ang 30 percent ng halaga ay bilang lessee’s deposit.
Inatasan na ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang DILG na ipatupad ang dismissal order laban kay Gaite.
Kung natanggal na sa serbisyo si Gaite bago pa ang utos na ito ng Ombudsman siya ay pagbabayarin ng multa na kasinghalaga ng kanyang sahod sa isang taon.
- Latest